SIYUDAD NG MALOLOS— Tinanghal bilang isa sa sampung Juror’s Choice sa katatapos lang na painting competition na inilunsad ng Philippine Air Force (PAF) ang obra ng founder ng Bulacan PNP Crime Laboratory Office at naging kauna-unahang hepe ng tanggapang ito.
Sa temang “Role of Philippine Air Force in Philippine History,” kinilala ang “Noble Wings” entry ni Samuel T. Estrope ng Siyudad na ito bilang isa sa sampung pinakamagaganda at naaangkop na mga likhang sining at ginawaran siya ng isang plake, medal at P10,000 cash sa ginanap na awarding ceremony sa loob ng Museum ng PAF sa Villamor Air Base sa Paranaque City noong Disyembre 10.
Ang 36"x24" oil on canvas na ipininta ni Estrope ay nagtatanghal ng katapangan, kabayanihan at kahandaang sumaklolo sa sakuna at kalamidad ng mga miyembro ng PAF.
Sakay ng isang helicopter ay dala ng isang miyembro ng PAF ang relief goods para sa nabiktima ng matinding bagyo at baha at nakahanda rin nitong kunin mula sa ibabaw ng gusali at bahay ang mga humihingi ng saklolo para sila ilikas, na sa unang tingin ay maiuugnay agad sa bagyong Ondoy na humagupit sa maraming lugar sa Luzon partikular sa Metro Manila Setyembre noong nakaraang taon.
Ani Estrope, pinili niya ang ganoong konsepto sapagkat sa mga nagdaang panahon lalo na kapag may unos at sakuna ay laging andiyan ang mga miyembro ng PAF upang maghatid ng tulong at magligtas ng buhay partikular kapag baha na mahihirapan ang mag-re-rescue kung tatawirin pa ang tubig baha lalo pa nga’t kulang ang bilang ng mga nakahandang rubber boats.
Diin niya ang ganoong papel ang isa sa mahahalagang papel na ginampanan at patuloy na ginagampanan ng PAF sa kasaysayan ng bansa kung saan mas napapalapit ang mga ito sa puso ng bawat Pilipino.
Hindi pinili ng pintor ang eksena sa isang giyera o bakbakan sapagkat aniya, hindi doon minamahal at itinatangi ng marami sa ating mga kababayan ang husay at galing ng mga miyembro ng PAF.
Si Estrope na estudyante ng Arts sa Alternative Learning School (ALS) sa loob ng Maximum Security Compound sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa City ay nakamit ang nasabing award sa Student Category na kanya lamang sinalihan bilang nag-uumpisa pa lamang sa larangan ng pagpipinta.
Bagaman may hilig na sa pag guhit simula noong bata pa lamang siya, hindi niya naipagpatuloy ang pagpapalawig pa rito dahil ang pagiging isang pulis ang pinili niyang maging career hanggang siya ay maging isang police official.
Ayon kay Nards Gomez, isa sa mga board of directors ng Arts Association of the Philippines (AAP), ang katuwang ng PAF sa pagtataguyod ng nasabing painting contest, isa ng magandang simula para kay Estrope ang nakuha niyang award.
Sinabi ni Gomez na mahigpit ang naging laban sapagkat 79 na mga paintings mula sa mga nasabi ring bilang ng mga lumahok ang pinagpiliang mabuti ng mga hurado na pinangunahan ng mga kilalang pintor sa bansa at mga opsiyales ng PAF sa pangunguna ng commanding general nito na si Lieutenant General Oscar Rabena.
Si Gomez, kasama ang iba pang mga opisyales ng AAP na madalas mag-lecture at magsagawa ng workshop training sa iba’t ibang sektor kabilang ang mga bilanggong tulad ni Estrope ang nagbukas sa kanya ng pagkakataong lumahok sa nasabing kumpetisyon.
Ayon sa kanya, bukas lagi ang kanilang asosasyon sa pagtulong sa mga may interest sa sining at hindi ito para lamang sa mga tao dito sa laya kundi kahit sino pa man kabilang maging ang sinomang kuwalipikadong bilanggo.
Pinili ni Estrope ng magpinta habang nasa kulungan upang libangin na rin ang sarili at makatagpo ng kalayaan sa sining mula sa umano ay ninakaw sa kanyang hustisya.
“There’s freedom in art. I have found it in every stroke of my hand on canvass, the freedom they took from me as a victim of injustice when I was sentenced for a crime I did not commit,” ayon kay Estrope.
Si Estrope, dating isang police senior inspector at siyang nagtatag noong 1996 ng Bulacan PNP Crime Laboratory Office ay nasa ikalimang taon na sa kulungan ngayon dahil sa kasong violation to illegal drugs law at binubuno ang habang buhay na hatol sa kanya.
Mariin niyang itinatanggi na isa siyang pusher ng shabu at totoo ang operation sa kanya ng mga pulis na nakahuli sa umano ay possession niya ng halagang P1,000 shabu na siyang dahilan ng hatol sa kanyang habang buhay na pagkakakulong.
Kasalukuyan pang naka-apela sa Supreme Court ang kaso niya.
Sinabi naman ni Fidel Sarmiento, pangulo ng AAP na madalas isagawa ng kanilang grupo ang magtaguyod ng mga painting competition ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno maging pribado mang tanggapan na humahasa rin sa katalinuhan at kagalingan ng mga pintor maging mga nagsismula pa lamang umano at mga propesyunal na.
Ayon naman kay Lt. Col. Epifanio Panzo Jr., opisyal ng PAF na siyang in-charge sa nasabing competition, inilunsad nila ito upang kunin ang nasasaloob ng mga artists at pintor sa bansa patungkol sa pananaw sa PAF upang nang sa ganoon ay mas mailapit sa puso ng maraming Pilipino ang tanggapan ng PAF at ang ginagawa nitong misyon para sa bansa.
Ani naman ni Rabena, ang mga artists sa bansa ang mas makapagbibigay kahulugan sa isang tingin pa lang ng mga mamamayan sa pamamgitan ng kanilang mga obra ng tunay na papel ng PAF sa kasaysayan ng bansa kaya’t pinili nila bilang karapat dapat lamang na isang painting competition ang gawin upang itanghal ang kanilang mahalagang papel sa ating kasaysayan.
Ayon kay Panzo, lahat ng mga nanalong paintings ay pag-aari na ng PAF at i-di-display sa kanilang two-storey museum kung saan idinaos ang nasabing awarding.
Si Rey Bautista, isa pa ring kapwa Bulakenyo ang nakasungkit din ng Juror’s Choice award mula naman sa professional category. Taga rito rin sa Malolos City si Bautista at miyembro ng Ilumina, isang art association sa nasabing lugar.
Masayang masaya naman si Estrope dahil nasabay ang pagkapanalo niya sa ika-40 niyang kaarawan noong Disyembre 11.
0 comments