SIYUDAD NG MALOLOS—Ilang mga simbahan at bisita sa mga bayan ng Plaridel, Guiguinto, Obando at sa Siyudad ng San Jose del Monte ang napipintong isagawa ang Simbang Gabi simula sa Huwebes ng walang kalembang ng kampana na manggigising sa mga residente upang tunguhin ang simbahan at makinig ng misa matapos na pagnanakawin ang kalembang ng mga ito ng hindi pa natutukoy na mga magnanakaw.
Ayon kay Senior Supt. Fernando Villanueva, Provincial Director ng Bulacan, ang mga bisita sa Barangay Culianin at Bulihan sa Plaridel; San Ildefonso Sub-Parish sa Tabang at Parish Church sa Barangay Sto. Cristo parehong nasa Guiguinto at tig-isang simbahan at bisita sa Obando at San Jose del Monte City ay natangayan ng mga kampana o bells mula sa magkakasunod na mga insidente ng pagnanakaw mula pa ng mga nagdaang buwan. Ipinag-utos na umano niya maging ang pagche-check sa internet dahil baka sakaling ipinaskil doon ng mga nagnakaw na tumira bilang for sale ang mga nasabing kalembang upang ihanap ang mga ito ng buyer. Nagtalaga na rin si Villanueva ng karagdagang mga puwersa ng pulisya at hiniling din ang kooperasyon at partisipasyon ng mga barangay captains at barangay tanod na magsisilbing police visibility sa mga lugar katabi ang lahat ng mga simbahan at bisita sa buong probinsiya upang mabantayan ito at hindi na tagumpay na matangayan ng kalembang tulad ng nangyari sa anim na mga simbahan at bisita. Ani Villanueva sa NEWS CORE, hiniling na rin niya sa mga care taker ng mga simbahan at bisita na higpitan ang protection measures ng mga ito sa kani-kanilang mga bahay dalanginan gaya ng pagtatali ng mahigpit sa mga kalembang gamit ang mas matibay na materyales at hindi maninipis lang na alambre o bakal.
Suhestiyon aniyang ginawa sa mga ito ang gumamit ng makakapal na bakal na kadena.
Sinisi naman ng pinunong opisyal ng pulis sa Bulacan ang hindi ginawa umanong pagre-report sa mga estasyon ng pulis ng pagkawala ng marami sa kalembang na ninakaw na iyon sa nabanggit na anim na lugar at ang ginawang late umano na pag-rereport. Kung hindi aniya buwan ang binilang ay ilang linggo pa muna matapos ang nakawan at saka pa lamang nakatanggap ang pulisya ng report ukol dito.
Ayon sa opisyal, malaki ang nababawas sa pagkakataong ma-identify agad at mahuli ang sinomang salaring nasa likod ng mga insidente sa nangyaring kawalan ng ulat o late na pagpapa-alam ng mga nakawan sa pulisya. Gayundin dagdag nito, ang mga care takers ng ilan sa mga ninakawang lugar ay sa barangay officials lamang iniulat ang nakawang naganap.
Ayon kay Monsignor Angelito Santiago, parish priest ng Barasoain Church sa Siyudad na ito, sadyang nakaka-alarma ang sunod sunod na mga mga insidente ng nakawan ng mga kalembang o bells sa maraming lugar sa lalawigan.
Anito, hindi na ordinary ang nangyayaring nakawan dahil hindi isolated case o isa lamang ang nangyaring nakawan kundi anim na na mga simbahan at bisita ang pinagtatangayan ng kampana at ito ay nakakalamang na gawa umano ng isang sindikato.
Hinala ni Santiago na ang mga pagnanakaw ay gawa ng isang sindikato upang ibenta sa mga antique shops at antique collectors sa Metro Manila at maaaring sa iba pang lugar.
Ayon sa pari, sadyang mahal ang halaga ng kampana lalo na iyong matatagal na o luma ng mga bells kaya target na rin ito ng mga magnanakaw na dati ay mga mamahaling imahe o mga santo lamang ang kanilang dinadale para ibenta.
Paliwanag niya na hanggat may bumibili ng mga kampana ay maaaring hindi mawala ang interest ng ilang mga halang ang kaluluwa na mga residente na magnakaw nito para pagkaperahan. Gaya lang din umano ito ng mga parte ng chop-chop na mga ninakaw na sasakyan na may bumibili mula sa mga carcjacker para rin nila ipagbili kaya nagtutuloy tuloy ang operasyon ng sindikato.
Subalit ayon sa pari, hindi hadlang ang kawalan ng kampana o bells para hindi matuloy ang simbang gabi sa mga nasabing lugar na ninakawan ang kanilang mga bisita at simbahan. Magaganap pa rin umano aniya ang mga misa sa siyam na araw na simbang gabi kahit walang kampana dahil maraming puwedeng gamiting pantawag sa mga tao o gawing hudyat na oras na ng simbang gabi.
“Hindi naman mapuputol ang simbang gabi dahil lang sa walang kampana ang bisita o simbahan. Tuloy ang simbang gabi at ang mga misa. May trompa na pwedeng gamitin at iyong iba ay nagpapatugtog ng Christmas songs bilang hudyat na simbang gabi na,” ani ng pari.
Subalit ani ng pari, ang mas malalim na epekto o dulot ng mga pagnanakaw ng bells ay ang pagnanakaw din ng bahagi ng kultura, kasaysayan at tradisyon ng mga komunidad o mga residente sa nasabing mga lugar.
Aniya, dahil sa matagal ng panahong naroroon sa simbahan ang mga kampanang iyon, naging bahagi na iyon ng pang-araw araw na buhay ng mga tao dahil maraming okasyon lalo na para sa mga Katoliko ang inihuhudyat ng kampana.
“Kasama na sa buhay ng mga tao sa isang komunidad ang kalembang nila sa kanilang simbahan at bisita at masakit at nakakalungkot na iyon ay nawala dahil lalo pa’t ninakaw at pinagkakitaan. Ang value ng mga kalembang o kampana lalo na kapag matagal ng panahon ng na-acquire ang lalong siyang pinanghihinayangan,” ani ng monsignor.
Ayon kay Irish Alcoreza, parish pastoral council officer ng Culianin chapel sa bayan ng Plaridel, ang ninakaw na kampana sa kanilang lugar ay nasa mahigit ng 100 taon.
Sa ngayon sila umano ay nagsasagawa ng double time effort para mapalitan iyon at maihabol sa Simbang Gabi.
Ang kampana naman sa Barangay Bulihan ay ninakaw mahigit dalawang buwan na ang nakakalipas.
Ayon kay Supt. Miguel Atienza, hepe ng bayan ng Guiguinto, ang kampana sa San Ildefonso sub-parish church sa Barangay Tabang, Guiguinto na tinangay ng mga magnanakaw noong Setyembre 19 ay nito lamang na-i-report sa kanila maging ang kampana na ninakaw sa Sto.Cristo sa Barangay Daungan na kinulimbat noong Agosto ay nito lamang din ipinagbigay alam sa kanilang estasyon.
Ayon naman kay Joseph Bigtas, sekretaryo sa Bintog, Plaridel parish, ang ninakaw na mga kampana ay 30 taon ang pinaka-maliit na edad.
Sinabi rin nito na tuloy ang Simbang Gabi at mga misa kahit na walang mga kampana ang mga bisita at simbahang ninakawan dahil kabisado na umano ng mga tao ang oras ng simba maging sa madaling araw man ito o sa gabi.
Aniya, karaniwang isang oras bago ang misa kinakalembang ang mga kampana.
0 comments