Kontra-botcha task force, binuo na

Posted by Unknown Monday, November 29, 2010


SIYUDAD NG MALOLOS—Pinangunahan mismo ni Gob. WIlhelmino Sy-Alvarado ang pagbuo ng Task Force Botcha upang patigilin ang illegal na pagbebenta at pagbibiyahe ng double dead na karne ng baboy sa ilang mga bayan at lugar sa Bulacan.
Kasabay ng pagbuo ng Task Force noong Biyernes ng gabi ay itinakda niya sa Miyerkules, Disyembre 8 ang isang emergency meeting o pakikipagpulong sa mga commercial hog farm owners sa mga bayan ng Pandi, Sta. Maria, San Ildefonso at San Jose del Monte City kasama ang mga mayors ng nasabing lokalidad, veterinary officers sa lalawigan at ang kapulisan.
Sa emergency meeting ay dedetalyehin kung paano masusugpo ang illegal na pagbebenta ng mga nagkasakit at namatay na baboy sa ilang farms sa Bulacan na hinihinalang binebenta sa iba’t ibang palengke sa maraming lugar partikular sa Balintawak market.
Ayon sa gobernador, ang pagkakumpiska sa may 20 baboy na hinihinalang namatay sa sakit na lagnat at sipon at ilang nagdidiliryo na sa isang checkpoint na ginawa ng pulisya sa San Jose del Monte City noong Miyerkules ay patunay na may ginagawa ang gobyerno at hindi nagpapabaya tungkol sa pagpigil sa pagbiyahe at pagbebenta ng botcha.
Nananatili umanong isolated case ang insidente ng pagbebenta at pagbibiyahe ng mga double dead na karne ng baboy mula sa ilang farms sa Bulacan dahil sa kabila umano ng mahigpit na pagbabantay ng kapulisan ay isa o dalawa lamang ang nasasabat at nananatiling ligtas kainin ang karne ng mga baboy mula sa lalawigan.
Base sa data ng Bureau of Animal Industry (BAI), 60 percent ng lahat ng baboy sa mga commercial hog farms at maging ilang natitirang backyard piggeries ay sa Metro Manila dinadala o ibinebenta.
“May nahuhuli sa Baguio, sa maraming lugar, may mga syndicated few na gumagawa niyan, dito sa atin sa Bulacan, may ilan tayong kababayan na nananamantala na pagkakitaan ang mga nagkasakit at namatay na baboy kaya naman ipinahuhuli natin iyan at pinatitigil natin ang kanilang mga operasyon,” ani ng gobernador.
Ayon sa kanya, ang kararaan lang na mga pag-uulan at ang mainit na panahon ngayon kasabay ng biglaang paglamig kung gabi at madaling araw ay siyang maaaring dahilan ng pakakasakit ng lagnat at sipon ng ilang mga baboy sa malalaking commercial farms at ang pagkamatay ng mga ito.
Ayon naman kay Vice Governor Daniel Fernando na may nauna ng nakausap na may ari ng malaking babuyan sa San Rafael, karaniwang ang mga care taker ng malalaking mga commercial farms ang illegal na nagpupuslit o nagbebenta sa labas ng mga namatay sa sakit na baboy.
Mga illegal trader ng botcha naman ang bumibili ng nasabing mga baboy at ibabagsak o ibibiyahe naman iyon sa iba’t ibang lugar.
“Karamihan hindi alam ng may ari, kung may nagkasakit na baboy, nilagnat o sinipon, ang utos nito sa care taker ibaon, pero ang ginagawa ng care taker ibinebenta ng illegal, pero meron din siguro na alam mismo ng may ari at maaaring ito pa ang naguutos na ibenta pa rin at pagkakitaan kahit pa double dead na ang karne,” aniya.
Sinabi ng gobernador na ang Task Force ay kukunin din ang aktibong partisipasyon ng mga barangay captains at ng mga barangay tanod para sa pagmomonitor ng mga farms na may namatay sa sakit na mga baboy at ang hindi na nito paglalabas o pagpupuslit sa mga illegal trader ng botcha.
Ayon kay Voltaire Basinang, acting Bulacan provincial veterinary officer, ang absence o kawalan ng isang national law na magiging basehan para maihabla at maipakulong ang mga nahuhuling illegal botcha trader para matakasan ang kanilang ginawang krimen.
Ani Basinang, si Rodolfo Pascual at isa pang kasama nitong driver na nahuli noong Miyerkules at si Bienvenido Basuna, isang maglelechon ng botcha na naaresto sa isang raid na ginawa ng Pandi police sa bakuran nito halos isang buwan ang nakakalipas ay kapwa hindi nakasuhan dahil sa kawalan nga ng nasabing batas para sila usigin.
Aniya, hanggat walang batas na naipapasa ang national government para sumaklaw sa krimeng pagbebenta at pagbibiyahe ng double dead na karne ng baboy, mahirap mapahinto ang nasabing illegal na gawain.
Paliwanag nito, tanging ang Provincial Ordinance ng Bulacan na nagtatakda ng P5,000 multa ang siya lamang nilang basehan upang habulin at panagutin ang mga nahuhuli nila katulad ng siyam pang nauna nilang mga nahuli noong nagdaang taon. Ganunpaman, aniya, maaring nakababalik rin sa masamang gawain ang sino mang nahuli na dahil sa gaan o P5,000 lamang na halaga ng multa.
Ang nasabing ordinansa ay ang Section 4 ng Provincial Ordinance on the Rules and Regulations on the Control and Eradication of Foot and Mouth Disease ng Bulacan .
Sinabi rin niya na ang Bulacan ay isa lamang sa pitong lugar na nasa tala ng BAI na maaring pinagmumulan ng mga double dead na karne ng baboy ng dinadala at ibinebenta sa Metro Manila markets partikular sa Balintawak.
“Balintawak market sa Quezon City at mga palengke sa Caloocan City ang naging karaniwang nadidiskubreng may mga botcha,” dagdag niya.
Ani Basinang, karaniwang ligtas sa botcha ang mga palengke sa Bulacan dahil sa close coordination ng mga meat inspectors, market masters at iba pang mga tao na in-charge sa pag-check ng kalidad ng mga karne ng baboy.
Dito sa Bulacan aniya, ang resibo sa pagkatay ng baboy sa isang nagpakatay ay ibinibigay lamang kapag nasa slaughter house na at natapos ng katayin ang malinis at walang diperensiya na baboy at karne nito upang masiguro ang eksaktong bilang ng malusog na baboy at hindi double dead na karne matapos na aprubahan ito at nagdaan sa inspeksiyon ng National Meat Inspection Service at hindi maaaring dagdagan ang bilang ng aprubadong malinis na kinatay na baboy sapagkat nakasad iyon sa resibo.
“Matagal ng sistema ito dito sa Bulacan kaya walang botcha na nakakarating sa palengke kasi halimbawa kung apat lang ang cleared and approved good meat tapos may resibo agad ito na dala, pwedeng samahan o dagdagan ng may ari ng baboy ang bilang ng ulo at katawan ng baboy sa palengke kahit yung hindi dumaan sa meat inspection,” paliwanag niya.
Dagdag ni Basinang, ang kawalan ng coordination ng concerned officials ng Quezon City at Caloocan City sa kanilang tanggapan para malaman ang mas epektibo at mas striktong palakad para sa pag-monitor at ang pag-check ng mga kinakatay na baboy ang isa sa mga dahilan kung bakit madalas mag-landing sa mga palengke ng nasabing lugar ang mga karneng botcha o double dead meat.
Ani Alvarado, sisikapin ding gampanan ng Task Force na makasuhan at maipakulong ang mga nahuhuling nagpupuslit, nagbebenta at nagbibiyahe ng double dead na karne ng baboy sa kabila ng kawalan ng national law para rito.
Dagdag ng gobernador na gagawin niya ang nararapat na hakbang para magkaroon ng isang national law para labanan ang illegal na bagbebenta ng karneng botcha.

0 comments

Post a Comment