Killer flash flood, Bulacan naghahanda na

Posted by Unknown Monday, November 22, 2010

SIYUDAD NG MALOLOS—Sinimulan nang maghanda ng Bulacan provincial government kontra sa maaari na namang pagragasa ng killer flash flood sa limang bayan at dalawang siyudad sa lalawigan upang maiwasan ng maulit ang pagkamatay ng maraming residente gaya ng idinulot ng bagyong Ondoy noong isang taon kung saan 32 ang namatay bunga ng flash flood.

Sa tala ng Provincial Disaster and Risk Reduction Management Office (PDRRMO), 37 ang kabuuang bilang ng namatay sa Bulacan dulot ng hagupit ng bagyong Ondoy noong isang taon at 32 dito ay dahil sa flash floods habang ang 5 ay dulot ng land slide sa bayan ng Norzagaray.
Sinabi ni Liz Mungcal, hepe ng PDRRMO na inumpisahan na nila ang installation ng staff at rain gauges kasama na ang data gathering para sa Tele-metered rain gauges at water level stations sa San Jose del Monte City, Sta. Maria, Marilao, Bocaue, mga bahagi ng Meycauayan City, Balagtas at Bulakan.

Inaasahan na matatapos at magiging operational ang nasabing device na magsisilbing early flood and water forecasting gadget sa unang mga buwan ng papasok na 2011 para maging handa ang lalawigan at mga bayan at siyudad na nabanggit sa maaari na namang banta ng isang flash flood upang maiwasang may buhay na namang makitil.

Ang proyekto at kagamitan ani Mungcal ay nagkakahalaga ng P3 milyon kasama na ang training ng mga personnel na itatalaga sa bawat istasyon, mga supplies o kagamitan at ang computer units na gagamitin.

Ayon kay Mungcal, binigyang prioridad ni Gob. Wilhelmino Sy-Alvarado ang nasabing proyekto matapos mabatid ang naging magandang dulot ng tele-metered machine na nauna ng ikinabit sa mga bayang sakop o dinadaluyan ng tubig mula sa Angat Dam at Angat river na patungo sa Manila Bay sa pag-determina ng taas ng tubig baha lalo na kapag nagpakawala na ng tubig ang nasabing dam.

Dahil sa nasabing gadget, maagap na nalalaman ang taas ng tubig baha sa isang bayan at nalalaman na rin ang maaaring taas o bugso ng pagdaloy nito sa mga kasunod pang bayan kaya’t nagkakaroon ng sapat na panahon upang maipaalam sa mga posibleng maaapektuhang mga residenteng nakatira sa tabing ilog o mababang mga lugar upang sila ay makalikas sa mas mataas at ligtas na bahagi.

Ani Mungcal, ang National Power Corporation (NPC) ang siyang naglagay ng nasabing instrument noon pang 1987 bilang bahagi ng ligtas sa mamamayang operasyon o pagtatapon o pagpapalabas ng tubig mula sa Angat dam.

Ang tubig na pinakawalan mula sa Angat dam na dadaloy sa Angat river ay dinadaanan ang mga bayan ng Angat, San Rafael, Baliuag, Bustos, Pulilan, Calumpit, Paombong at Hagonoy na sakop ng nasabing mahabang kailugan patungo sa Manila Bay na huling babagsakan nito.

Base sa tala ng PDRRMO, 32 sa 37 bilang ng mga namatay sa pagbaha noong bagyong Ondoy noong isang taon ang sanhi ng flash flood sa nasabing limang bayan at dalawang siyudad at hindi dahil sa pagtaas ng tubig sa mga ilog na bahagi ng kahabaan ng Angat river.

Malaki umano ang naitulong ng tele-metered machine at rain gauge stations sa kahabaan ng Angat river kaya’t maagang nailikas ang mga maaaring abutin ng pagtaas ng tubig kahit pa nagpakawala din ng tubig ang nasabing reservoir.

Ito ay hindi tulad ng flash flood na tumama sa nasabing limang bayan at dalawang siyudad na walang tele-metered machine at rain gauges upang madetermina sa una pang bahagi ng mga bayang ito ang taas na ng tubig at ang maaaring taas din ng tubig na darating sa mga kasunod pang bayan o lugar upang makapagdulot ng babala at masimulan na ang pagpapalikas.
Inaasahang dahil sa proyekto at sa itinatayo ng machine, makakapagbabala na agad sa mga posibleng maapektuhang residente at sila ay maililikas na o maaaring kusa ng iwan pansamantala ang kanilang mababang lugar para sa kanilang kaligtasan.

Sa mga nagdaan pang mga bagyo at malakas na ulan at pagbaha, madalas mapagkamalan ng mga residente hindi lamang ng mga taga Bulacan kundi maging taga Metro Manila at iba pang lugar na ang pagpakawala ng tubig mula sa Angat dam ang siyang dahilan ng pagkamatay o pagkalunod sa tubig baha ng mga taga Sta, Maria, Bocaue, Marilao.

Nilinaw ni Mungcal na imposible iyon dahil mga tubig ulan mula sa kalbong kabundukan ng Rizal na bumababa sa Sierra Madre ranges patungo sa mataas na bahagi ng Quezon City pababa sa San Jose del Monte at mga katabi nitong lugar ang siyang pinagmumulan ng flash flood.

Ayon kay Mungcal, ang gadget umano na ikakabit sa flash flood prone areas ay kakaiba dahil ito ay manual at hindi tele-metered machine na tiyak umano na mas accurate at tugma.

Palitin na umano ang ilan sa mga gadget na ikinabit ng NPC para sa Angat river at ito ay kailangan na ng pag-update.

Si Mungcal ay isa sa mga naging tagapagsalita sa ginawang media seminar workshop on disaster and calamity coverage noong Biyernes sa Hiyas Convention Center na proyekto ng Provincial Public Affairs Office (PPAO).

Ayon kay Maricel Cruz, hepe ng PPAO, ang seminar ay isinagawa bilang bahagi ng disaster preparedness ng kapitolyo kung saan ang mga mamamahayag ay binigyan pa ng dagdag na kamulatan sa iba’t iba pang maaaring pagtuunan na mga issues at aspeto upang sulatin at gawing balita para lalo pang maging katuwang ng probinsiya sa paglaban at pagsangga sa mga kalamidad.
Nagsalita rin sa nasabing seminar work shop si Tes Bacalla, isang award-winning reporter pagdating sa calamity and disaster coverage at si Cristy Dante Shepard sa kaalaman sa Basic First Aid mula sa Rescue 566 ng kapitolyo.

0 comments

Post a Comment